Saturday, October 12, 2019

Singapore Tour - Part 3: The Cloud Forest

Sa loob ng Gardens by the Bay ay matatagpuan ang Cloud Forest. Isa din ito sa mga puntahan ng mga turista at lokal sa bansang Singapore. Ito ay isang tropical forest mountain na nasa loob ng isang malaking dome.


Sa entrance pa lang ay bubungad na sa 'yo ang malamig na ambon ng tubig na animo'y galing sa tubig ulan na nagmumula sa waterfalls ng Cloud Forest.


Sa pinakataas ay matatanaw mo ang napakagandang waterfall view kung saan nagmumula ang tubig na para bang ikaw ay nasa ibaba ng isang malaking bundok. Sa taas nitong 42 meters, ang Cloud Mountain na ito ay pwede mong ma-access sa pamamagitan ng elevator o kaya naman ng isang circular path na nakapaikot sa kabuuan ng Cloud Forest.


Dito mo makikita ang iba't ibang klase ng puno at halaman na makikita mo din sa isang kagubatan. Napakagandang pagmasdan na ang isang Forest ay nagawa nilang buuin sa isang indoor dome, kaya naman marami ang dito'y namamangha at dumarayo.


Sa loob ng Cloud Forest ay matatanaw mo na rin sa di kalayuan ang malalaki at matataas na Supertree Grove na halos abot kamay mo na.


Isa pa sa pwede mong matanaw habang nasa loob ka ay ang Marina Bay Hotel. Kay gandang pagmasdan ang kabuuan nito kahit nasa loob ka pa ng Cloud Forest.


Kapag narating mo naman ang tutok ay nakakalulang tingnan ang ibaba pero sa ganda ng aerial view nito ay mapapamangha ka na lang na iyon pala ang tinatahak mo kani-kanina lang.


Ito naman yung part ng Crystal Mountain area kung saan makikita ang iba't ibang uri ng stalagmites at stalactites na inilagay sa mga crystal like flatform para mas lalo mong maappreciate at makita ng malapitan.





Napaka-gandang pagmasdan ang walkway na pumapaikot sa buong Cloud Forest habang ikaw ay pababa na. Lalo na ang istraktura na tumatakip at nagsisilbing bubong sa buong area ng lugar na ito.


Kaya naman maraming tao ang dito'y namamasyal, mapa-turista man o lokal dahil nga sa ganda ng lugar at nakamamanghang istraktura. Biruin mo ba naman na magkaroon ng bundok at kagubatan na nasa city at nasa loob ng isang malaking dome.
 

Kaya nga kahit saan ka man pumwesto ay siguradong magiging maganda ang background mo sa pictures na makukunan mo.


Sa pagbaba mo naman ay nandun ang pinagmamalaki nilang Cloud Forest Gallery kung saan nakalagak ang mga impormasyon tungkol sa pagpapahalaga sa ating kalikasan.


May mga exhibit sa loob at ginawa nilang medyo madilim ang paligid para mas lalo mong ma-appreciate ang mga makikita mo pagpasok mo sa kwartong ito.


Paglabas mo naman ay bubungad sa 'yo ang lagusan patungong Secret Garden na nasa ilalim mismo ng forest mountain. Ito na rin ang magsisilbing lagusan palabas ng Cloud Forest.


Habang nasa Secret Garden ay kita mo pa din ang nasa itaas para sa mas maliwanag at maaliwalas na tanawin.


Iisipin mo namang isang malaking gagamba o monster pagtiningnan mo sa ibaba ang circular path na nilakaran mo kanina sa itaas. Nakakatuwa dahil naging ma-foggy ang itaas na parte ng lugar dahil sa mist na dulot ng waterfalls. Ito rin ang dahilan kung bakit ito tinawag na Cloud Forest.


May mga stalagmites at stalactites na iniligay sa paligid ng Secret Garden para mag-mukhang ikaw ay totoong nasa loob ng isang masukal na kagubatan.


Meron ka pang Giant Snail na makakasalubong sa loob ng Secret Garden habang ikaw ay papalabas na. Isa rin ito sa mga area kung saan magandang magpakuha ng litrato.


Bago ka tuluyang lumabas ay meron silang Gift Shop sa exit point para sa mga gustong magkaroon ng mga souvenir items o pampasalubong.


Maeengganyo kang bumili dahil sa dami ng items na pwede mong pagpilian at karamihan sa mga items na ito ay personalized o yung may mga marka ng Cloud Forest at ng ibang tourist spot sa Gardens by the Bay.


Ito ang isa pang parte ng pamamasyal namin dito sa Singapore at marami pang dapat abangan sa mga susunod kong post kaya sana ay makaantabay kayo. Hanggang sa susunod na post at sana isa din ito sa mapuntahan ninyo kapag kayo ay napadpad sa bansang Singapore.

No comments:

Post a Comment