Ano nga ba ang Stock Market? Paano ba kumikita dito? Gusto mo bang mag-invest sa Stock Market? Dito ipapaliwanag ko ang tungkol sa Stock Market at paano kumikita dito ang maraming tao. Sa salitang madaling maintindihan ng simpleng tao, ituturo ko kung ano ang mga dapat mong malaman paano ba ginagawa o paano kumikita sa Stock Market.
Isa ito sa mga investments ko kaya gusto ko rin i-share ang tungkol dito
at mga natutunan. Hindi kasi ito tinuro nung mga panahon na nagaaral pa ako
kaya gusto ko sa aking munting paraan ay mabigyan ko ng konting kaalaman ang
mga simpleng tao na gustong matutunan ang tungkol sa pag-iinvest sa Stock
Market.
Una sa dapat mong malaman ay ano ba ang "Stocks"? Sa normal na
definition o meaning ng "Stocks", ito yung goods or merchandise na
nakatabi sa isang lugar maging ito ay tindahan o warehouse at nakalaan para
ibenta, ipamahagi o gamitin.
Sa mundo ng Stock Market, ang ibig sabihin ng "Stocks" ay isang parte o share sa ownership ng isang company. Ito ay nangangahulugan din ng claim o pagmamay-ari sa assets at kita ng isang company. Kumbaga, part owner ka na ng kumpanya kung saan ka nag-invest o bumili ng stocks.
Sa tingin ko medyo nalilito ka pa din sa paliwanag ko kaya hayaan mong
ilagay ko sa isang maikling kwento ang tungkol dito.
Si Pedro ay may -ari ng isang company. Maliit pa lang ang kumpanyang ito kaya't
gusto nyang makalikom ng sapat na halaga upang mapalaki at mapalago pang lalo
ang company n'ya. Para magawa ito kailangan n'yang magbenta ng shares of stocks
ng kanyang company para makalikom ng pera.
Sa bawat shares of stock na bibilhin mo ay nagiging part owner ka na ng
company ni Pedro. Sa madaling salita, kapag kumita si Pedro ibig sabihin kumikita
ka din. Pero kapag nalugi naman si Pedro syempre malulugi ka din. Dito na
pumapasok ang tinatawag nilang "Risk". Syempre lahat bagay sa negosyo
may kaakibat na risk. Maraming tools o paraan para ma-minimize ang mga risk na
ito at ito ay ipapaliwag natin sa mga susunod na post.
Ngayon na may idea na tayo kung ano ang "Stocks". Ano naman ang
"Stock Market"? Sa simpleng salita, ang Stock Market ay isang lugar
kung saan nagaganap ang kalakalan, ang pagbenta o pagbili (buying and selling)
ng mga shares of stocks ng mga publicly listed companies. Isang magandang
halimbawa nito ay ang "Palengke" dahil dito nagaganap ang kalakalan
ng iba't ibang produktong may kinalaman sa pagkain at kung anu-ano pa.
Maraming stock market sa buong mundo. Halos bawat bansa ay may
kanya-kanyang stock market. Nandyan ang mga sikat na NYSE (New York Stock
Exchange) at NASDAQ ng US, JEG (Japan Exchange Group) ng Japan, LSE (London
Stock Exchange) ng UK at sa Pinas naman ang PSE (Philippine Stock Exchange).
Ilan sa mga companies sa Philippine Stock Exchange na pwede kang
mag-invest ay ang Jollibee, SM, ABS-CBN, BDO at marami pang iba. Ibig sabihin
pwede kang maging part owner ng mga kumpanyang ito. Once na bumili ka ng shares
of stocks nila isa ka na sa mga tinatawag nilang "Shareholder".
Isa sa mga pinaka-successful sa buong mundo sa larangan ng pagiinvest sa stock market ay si "Warren Buffet". S'ya ang chairman at largest shareholder ng sikat na kumpanyang "Berkshire Hathaway". Bata pa lang mahilig na sa business at investing si Warren. Kaya s'ya ngayon ang third wealthiest person in the world.
Ang networth n'ya at the age of 14 ay 5K dollars, tapos at the age of 30 naging 1M dollars hanggang sa mga oras na ito ang networth n'ya ngayon ay umabot na sa 86.9 billion dollars at isa sa mga dahilan nito ang pagiinvest n'ya sa stock market. Hindi naman nating kailangan maging isang Warren Buffet pero pwede tayong ma-inspire sa kwento ng buhay n'ya at matuto sa mga pinagdaanan n'ya lalo na sa pagiinvest sa stock market.
Sa Part 2, ituturo ko naman kung paano mag-invest sa stock market at ano ang mga kailangan mong gawin para ka makapag-invest dito. Sa next post ko din, malalaman mo kung paano kumikita sa pagiinvest sa stock market at bakit isa ito sa magandang financial investment na dapat mong matutunan. Huwag kang magalala kung wala ka pang alam sa ngayon dahil unti-unti sa pagsubaybay mo mga post ko ay matututunan mo din ang lahat ng dapat mong malaman at masasagot ang lahat mong katanungan.